Monday, July 3, 2017

132 Days

132 days. 132 lang mula diagnosis hanggang sa araw na iniwan mo ako. Lagpas lang ng kaunti sa 4 na buwan.

Sa loob ng 132 days, nakapag6 na conventional radiotherapy ka, 35 na IMRT ( Intensity-modulated radiation therapy), at tatlong chemo cycles.

Sa 132 days na 'yun nakapagpakabit tayo ng PEG tube, naconfine ng mahigit limang beses, nakapagpascan ng more than 10 times, at nasalinan ng 9 units ng dugo.

Huwag na nating bilangin kung ilang beses ka kinabitan ng IV line at kinuhanan ng dugo para sa kung ano anong lab work.

Sa sobrang dami ng pasa sa mga kamay at braso mo ni hindi ko na maaninag yung mga ugat sa ilalim. Sa mga huling araw ng buhay mo, halos kulay asul ka na sa iba't ibang parte ng katawan.

Walang kapantay 'yung sakit na makita kang nahihirapan. Tuwing tatanungin kita kung kaya pa, ang sagot mo, "syempre naman!"

Nung huling linggo mo sa ospital at tinanong kita kung kaya pa, ang sabi mo "kakayanin." Alam ko, nung araw na 'yun, hindi ka man sumusuko ang katawan mo bumibigay na.

Kasama sa 132 days ang pagkawala ng isa mong mata na hindi mo na magamit dahil nadamage na ng tumor. Humina na ang pandinig mo dahil sa radiation. Hindi ka makalulon dahil nasira ang salivary glands mo ng radiotherapy. Wala ka na ring panlasa.

Sa kabila ng lahat ng sakit at hirap, lumaban ka. Kahit alam kong masakit na ang katawan mo dahil sa cancer, niyayakap mo parin ako at hinahawakan ang kamay. Ang sabi ng mga doktor, 'yung huling linggo ng buhay mo, kahit daw patak ng tubig masakit sa balat mo. Pero pinilit mo parin noon tumayo at makipagusap sa amin.

Wala akong masabi. Nakakabilib ka talaga di.

Naaalala ko dati na dinadasal ko sa Dyos na sana, ako na lang. Sana ako na lang ang nahihirapan. Kahit anong sakit pa ok lang mawala lang ang pain na nararanasan mo.

Ibinigay naman ng Dyos, pero sa ibang paraan.

Wala ka ng pain ngayon, at ako na ang nahihirapan. Hindi ko lang inasahan na sa ganitong paraan ibibigay ang dasal ko. Akala ko pwede tayong magpalit ng kalagayan na buhay ka kahit magdusa ako habang buhay. Ganun pa man, masaya na rin ako na alam kong wala ka na talagang sakit na nararamdaman.

Nakikita kita sa lahat ng bagay, sa lahat ng tao, sa lahat ng lugar. Naiisip kita sa lahat ng kanta kong maririnig, naaalala kita paggising ko hanggang sa pagpikit ng mga mata ko sa gabi.

Pinapatay ko ang ilaw bago matulog kasi kahit paano, sa dilim, hindi ko makikita ang iniwan mong bakanteng espasyo sa tabi ko sa higaang sabay nating ipinundar at unang hinigaan.

Yakap yakap ko sa gabi ang huling unan na ginamit mo sa ospital. Dinadama kita sa puting tela nito, umaasang mararamdaman ko ulit ang pakiramdam na mayakap ka at mayakap mo ako.

Nakakapagod umiyak araw araw at gabi gabi pero paano mo sasabihin sa pusong nagluluksa na tama na? Anong klaseng paglilibang ang kailangan kong gawin para malimutan ko na wala na 'yung taong akala ko makakasama kong tumanda at mamahalin ko habang buhay?

Napakarami kong tanong pero lahat walang sagot. Napakaraming oras pero aanhin ko lahat 'yun kung wala ka naman?

Lagi mo sinasabi, "Bakit kaya 'yung ibang tao kung ano ano pang ginagawa at inaatupag sa buhay? Ako nga ang gusto ko lang mabuhay."

'yun lang din ang gusto ko di, ang mabuhay ka. 'yun lang ang gusto ko pero hindi naman ibinigay. Iniisip ko na lang baka naman sa next life abutin tayo ng 100++. Pero sa ngayon tiis tiis muna.

Sa ngayon wala akong plano. Nabubuhay lang ako one day at a time. Mag aasikaso na ako ng benefits ko na iniwan mo sa akin para maituloy ko ang buhay ko kahit wala ka na. Sana tulungan mo akong maglakad lakad ng hindi ngumangawa sa kung saan saan. Ayaw ko naman maging source pa ng kahihiyan mo. :P

Kagabi, naramdaman kita. Sana ikaw nga 'yun. Naramdaman kita nung tinugtog na 'yun request kong "Unchained Melody" sa bar. Sayang kasi this time, hindi mo ako naisayaw. Ok lang, next time na lang.

Miss na miss na kita di. Sana alam mo na maraming buhay ang binago mo nung buhay ka at lalo pa nung nawala ka. Salamat kasi 'yung mga taong minahal mo, sila 'yung mga nagaalaga at nagmamahal sa akin ngayon.

Miss na miss na kita. Gusto na kitang makita uli. Sana alam mo na kung gaano ka katapang lumaban noon, ganun rin ako lumalaban ngayon. Sobrang hirap, pero gagawin ko para hindi masayang ang buhay ko.

Sisiguraduhin ko na kapag nagkita tayo uli, magiging proud ka sa kung anong naging ako.

Hindi ko alam kung ilang days pa bago magkatotoo ang wish kong magkasama uli tayo. Basta ako, andito lang, maghihintay sa'yo. Aasa na sana, someday soon, maisasayaw mo na uli ako.

No comments:

Post a Comment